Mukha ng killer ng ex-DepEd official, inilabas na

Inilabas na ng pamunuan ng Quezon City police ang cartographic sketch ng isa sa dalawang suspect na nanloob at pumatay sa dating opisyal ng Department of Education (DepEd), kamakalawa ng hapon sa Quezon City.

Inilarawan ang suspect na nasa edad na 25-30, may taas na 5’6 talampakan, payat, maitim at nakasuot ng puting t-shirt, maong pants at may dalang backpack.

Nabatid na ito ang huling kasama ng biktimang si Norma Olaya, 73, dating chief ng staff ng Development Division ng Bureau of Elementary Education at residente ng 111 Building 22 UP Bliss, Brgy. San Vicente, Quezon City.

Napag-alaman na nagpanggap na magbe-bed space ang dalawang suspect kaya’t nagawa ng mga itong makapasok sa bahay ng biktima na walang ibang kasama sa bahay.

Dakong alas-12:45 ng tanghali nang bumalik naman ang karpintero ng biktima na si Roberto Magcalas na gumagawa sa isang pang paupahan ng biktima upang mananghalian.

Dito nito natuklasan ang krimen. Natagpuan ang biktima sa ilalim ng kama na nakatali ang mga kamay at paa. May nakapulupot ding damit sa leeg nito na pinaniniwalaang ipinangsakal at dahilan ng pagkamatay ng biktima.

Malaki ang paniwala ng pulisya na pagnanakaw ang motibo sa pagpaslang. Isang manhunt operation ang isinasagawa ng pulisya laban sa mga suspect na ang modus operandi ay magpanggap na magbe-bed space at pag nakapasok na sa loob ng bahay ay bibirahin na ang kanilang biktima. (Doris Franche)

Show comments