Nakakulong ngayon sa MPD-Station 6 detention cell ang suspect na si Ricardo dela Serna, 49, komentarista umano ng istasyong DZXE, at residente ng #3162 Felix Roxas St., Sta. Ana.
Inaresto ito ng mga opisyal ng barangay sa kanilang lugar matapos na plantsahin sa mukha ang 9-anyos na pamangkin dakong alas-10 ng gabi sa loob ng kanilang bahay.
Sa ulat ng pulisya, lasing na dumating umano sa kanilang bahay ang suspect at nakitang natutulog ang musmos na pamangkin. Ginising umano nito ang bata at nang hindi tumalima ay isinaksak ang kurdon ng plantsa saka idinikit sa mukha ng pamangkin.
Nagsisigaw naman sa sakit ang bata na nakakuha ng atension ng mga kapitbahay. Agad na humingi ang mga ito ng tulong sa barangay tanod na siyang umaresto sa suspect.
Inamin naman ng suspect ang ginawang pang-aabuso sa pamangkin ngunit tanging naidahilan nito ay nabigla lamang umano siya.
Nabatid na hindi lamang pala unang beses na pinagmalupitan ng suspect ang bata. Ayon sa biktima, nagawa na umano siyang latiguhin ng tiyuhin, bunutan ng ngipin gamit ang isang pliers at ilublob sa isang drum na puno ng tubig na halos ikalunod nito.
Pinatunayan naman ng mga kapitbahay ng suspect ang ginagawang pagmamalupit nito sa pamangkin at maging umano sila ay isinusuka na ito sa kanilang lugar.
Nahaharap ngayon sa kasong child abuse ang suspect na may katumbas na pagkakulong ng anim hanggang 12 taon kapag napatunayan sa korte ang pagkakasala. (Ulat ni Danilo Garcia)