Nakilala ang isa sa mga biktima na si Aljay de Dios, 16, 4th year student at residente ng No. 16-E Reparo, Bagong Lote Potrero Malabon City. Idineklara itong dead on arrival ng Capitol Medical Center matapos na magtamo ng pagkabasag ng ulo at bugbog sa dibdib.
Samantalang hindi pa nakikilala ang isa pang lalaki na namatay din sa naturang ospital habang ang dalawang biktima ay namatay habang ginagamot sa East Avenue Medical Center. Ang tatlo ay tinatayang nasa edad na 20 hanggang 25. Walang anumang ID ang tatlong biktima.
Umaabot naman sa 15 iba pang kabataan ang nasugatan kabilang ang anim na babae.
Sa pagsisiyasat ni PO2 Joseph Diño ng Quezon City Police District-Criminal Investigation Division (QCPD-CID), naganap ang insidente dakong alas-8:35 ng gabi sa loob mismo ng Amoranto Stadium sa Roces Ave.
Daan-daang kabataan ang nagtungo sa lugar upang saksihan ang paligsahan ng mga rock band na libre.
Nabatid na may biglang sumigaw na "magnanakaw" sa lugar kung kayat nagkagulo ang mga manonood hanggang sa magkaroon ng stampede.
Dahil dito, binomba umano ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection ang mga nagkakagulong kabataan.
Ayon naman kay Eng. Al de Dios, 44, ama ng biktimang si Aljay, pinag-aaralan nila kung sasampahan ng kaso ang BFP, San Miguel Corporation at organizer ng palabas sa pagkamatay ng kanyang anak.
Samantala, sinabi naman ng QC government na hindi na nila papayagan pa ang pagkakaroon ng libreng panoorin para sa mga kabataan upang maiwasan na ang insidente.