Kinasuhan ng robbery at extortion sa GAS ang mga pulis na sina P/Insp. Oliver Lucero, PO3 Roden Tejuco, PO3 Laurencio Bernardo at PO2 Rodney See, pawang mga nakatalaga sa MPD-Station 6 (Sta. Ana).
Ayon kina Irene at Mark Reyzen Mariano, ng 2954-B F. Manalo St., Punta, Sta. Ana, pinasok umano ng mga pulis ang kanilang bahay noong Abril 18, 2005 dakong alas-3:30 ng madaling-araw at puwersahang inaresto ang kanilang ama na si Reynaldo kahit na walang ipinapakitang warrant of arrest.
Tinangay ang isang video camera, digital camera, disc man at mga alahas na aabot sa halagang P50,000.
Sinabihan pa umano ni Lucero ang kanilang tiyahin na si Aleta Reyes na tubusin ang kanilang ama sa halagang P500,000 upang makalaya ito at hindi masampahan ng kaso.
Nagtungo naman umano sila sa opisina ni Lucero at nakapagbigay lamang ng P135,000. Sa kabila nito, hindi pa rin naman pinalaya ang kanilang ama at kinasuhan ng umanoy ilegal na pagtutulak ng droga. (Ulat ni Danilo Garcia)