Trader tinali, kinatay

Karumal-dumal ang sinapit ng isang negosyante nang natagpuan itong nakatali at tadtad ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan sa loob ng kanyang kuwarto kahapon ng umaga sa Marikina City.

Kinilala ni Supt. Manuel Gearlan, hepe ng Marikina Police ang biktima na si Percipicio Sto. Domingo, 64, ng No. 107 M. Roxas St. Brgy. Calumpang ng nasabing lungsod.

Ayon kay Gearlan, dakong alas-8:10 ng umaga nang matagpuan ni Soledad Tuanio ang bangkay ng biktima na nakatali sa kama, may packaging tape ang bibig at naliligo sa sariling dugo.

Sinabi ng pulisya na posibleng nagpambuno pa ang biktima at suspect dahil magulo ang kuwarto ng una hanggang sa isagawa ang pamamaslang.

Tinitingnan naman ng pulisya ang mga anggulong pagnanakaw at umano’y pagkakaroon ng relasyon ng biktima sa suspect dahil walang palatandaan na nagkaroon ng forcible entry sa kuwarto nito.

Dahil dito, may hinala ang pulisya na posibleng kilala ng biktima ang suspect.

Ayon naman sa mga stay-in worker ng biktima, nakita nila ito na nagsara ng kuwarto subalit hindi nila alam kung may kasama ito sa loob. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments