Halos 24-oras nang patay nang matagpuan kamakalawa ng alas-8 ng gabi ang bangkay ng biktima na si Myrna Leonardo, 42-anyos, ng Sta. Rita North, Brgy. 188, Tala, nabanggit na lungsod.
Kasalukuyan namang pinaghahanap pa ng pulisya ang lover ng biktima na si Boy Fernandez, 42, na mabilis na tumakas matapos ang insidente tangan ang baril na ginamit nito sa pamamaslang sa biktima.
Sa panayam ng PSN kay Richard Bogiran, 30, vendor at kapitbahay ng biktima, dakong alas-12 ng madaling-araw noong Lunes ng gabi ay narinig niyang nag-aaway ang biktima at suspect at ilang minuto pa ay umalingawngaw na ang isang malakas na putok ng baril kasunod ng pagtahimik ng kapaligiran.
Nadiskubre lamang ang pagkasawi ng biktima nang bibili sana ng tubig si Bogiran sa biktima dakong alas-8 ng gabi.
Nagtaka umano si Bogiran nang ilang beses itong kumakatok at banggitin ang pangalan ng biktima ay hindi ito sumasagot.
Sumilip umano si Bogiran sa siwang ng pinto ng bahay ng biktima at nakita nito na nakadapa ang biktima na naliligo sa sariling dugo at halos nangingitim na ang buong katawan nito.
Dahil dito ay agad na ipinaalam ni Bogiran sa mga kapitbahay ang pagkakadiskubre sa bangkay ng biktima na agad namang ipinaalam sa pulisya.
Sa isinagawang pagsisiyasat ni PO2 Wilson Reyes, officer-on-case ng Scene of the Crime Office (SOCO) ng Caloocan City Police, nagtamo ng isang tama ng bala ng .38 kalibre ng baril ang biktima sa bandang likuran ng ulo nito.
Lumilitaw din sa imbestigasyon na binaril ng suspect ang biktima nang malapitan habang ito ay nakatayong patalikod sa suspect.
Wala ring posibilidad na pagnanakaw ang sadya ng suspect dahil hindi nito ginalaw ang pera at alahas ng biktima.
Sinabi pa ni Reyes na malinaw na pag-ibig o love triangle at labis na paninibugho ang motibo ng pamamaslang ng suspect sa biktima.
Nabatid na malimit umanong mag-away ang mag-lover dahil sa labis na paninibugho ng lalaki sa unang asawa ng biktima na nakatira di-kalayuan sa bahay ng huli.
Isang follow-up operation naman ang kasalukuyang isinasagawa ng pulisya laban sa suspect para alamin ang tunay na pagkakakilanlan nito para sa kanyang agarang ikadarakip. (Ulat ni Rose Tamayo)