Tinatayang aabot sa P80,000 ang halaga ng cash kasama pa ang mga alahas at mga kagamitan ng mga kawani at kliyente sa bangko ang sinasabing natangay ng mga suspect.
Sa sketchy report na tinanggap ni Supt. Ronald Estlles, hepe ng Parañaque City Police naganap ang insidente dakong alas-12:08 ng tanghali sa sangay ng East West sa President Avenue, Brgy. BF ng nabanggit na lungsod.
Nabatid na unang pumasok ang babaeng suspect na nagpanggap na depositor sa bangko at parang nagbigay lang ng signal sa mga kasamahan sumunod na pumasok ang apat na lalaki.
Ilang sandali pa, nagdeklara na ng holdap ang mga ito. Kaagad na dinisarmahan ng mga suspect ang mga nakatalagang guwardiya at tinangay ang isa sa service firearm nito.
Matapos makakulimbat ng pera at mga alahas ng mga kawani at kliyente sa loob ay mabilis na nagsitakas ang mga ito lulan ng isang kulay gray na four door Sedan.
Kinilala ng pulisya ang mga suspect na magkakapatid na sina Pio, Gerry at Reynaldo Antonio at ang kasamang babae na si Teresita Rivera, alyas Besa at isang hindi pa nakikilalang lalaki.
Patuloy naman ang isinasagawang follow-up operation ng pulisya para tugisin ang mga suspect. (Ulat ni Lordeth Bonilla)