Sa isang radio interview, sinabi ni Gonzales na higit na dapat na pagtuunang mabuti ng gobyerno ang RSG dahil karamihan sa mga kasapi nito ay mga "Balik Islam". Bagamat maliit lamang na terrorist group may pondo ito mula sa base ng Al Qaeda sa Middle East.
Ikinababahala lamang nila ay ang pagkakasangkot ng mga Kristiyano na kinabibilangan ng mga taga Maynila, Pangasinan at Nueva Ecija. Posibleng gamitin ito ng terror group dahil kabisado ng mga ito ang pasikut-sikot sa Maynila.
Ayon kay Gonzales may ugnayan din ang grupong RSG sa ASG at Jemaah Islamiyah na itinatag ng Southeast Asian Group na naitatag ng Al Qaeda.
Kasabay nito, nagbabala din si Gonzales ng "terror attack" hanggang sa ikatlong linggo ng Setyembre matapos na lumabas sa intelligence report na tinatayang 1,000 kilogram ng bomba ang planong pasabugin ng mga terorista sa MM bunga na rin ng nalalapit na anibersaryo ng pambobomba sa Estados Unidos noong Setyembre 11, 2001 na ikinasawi at ikinasugat ng libu-libong katao.
Matapos ito ay plano din umano ng mga terorista na gumamit ng biological weapons sa paghahasik ng terorismo.
Samantala, sinabi naman ni NCRPO chief Director Vidal Querol na pinadoble na niya ang seguridad sa mga matataong lugar tulad ng mga shopping malls dahil maraming inosenteng sibilyan ang madadamay sakaling isagawa ng mga terorista ang gulo.
Aniya, hindi naman maaaring ipagwalang bahala ang mga report dahil ito ay isang seryosong usapin na dapat ding isaalang-alang ng publiko.
Bunga nito, nanawagan din si Querol sa publiko na maging vigilante sa mga lugar at tao upang maiwasan ang anumang karahasan.