Ayon kay Geedee Singh, publisher at editor ng Dateline India at miyembro ng Khalsa Diwan Sikh na nagpadala na sila ng liham kay Bhagwant Rai Bansai, Pangulo ng kanilang organisasyon na nagdesisyon silang magsagawa ng isang araw na hunger strike upang kondenahin ang korupsyon sa Indian Embassy.
Magsisimula ang hunger strike ngayon Setyembre 4 dakong alas-3 ng hapon sa harapan ng Khalsa Diwan Sikh Temple na matatagpuan sa kahabaan ng UN Avenue, Manila na dadaluhan ng may 80 porsiyento ng Indian immigrants sa bansa na kasapi sa naturang organisasyon.
Inireklamo ng grupo ang umanoy overcharging sa kanila ng Indian Embassy mula sa halagang P30,000 hanggang P35,000 sa pagpo-proseso ng kanilang papeles tulad ng passport at iba pang serbisyo kayat nagdesisyon sila na magsagawa ng signature brigade bilang protesta na kanilang ipapadala sa Prime Minister ng India.
Ilan din naman umanong tauhan ng BI ang nagsasamantala sa kanila sa pamamagitan ng paghingi ng pera. (Gemma Amargo-Garcia)