Dakong alas-8:45 ng umaga nang dumating si Roldan, Mitchell Gumabao sa tunay na buhay, nakasuot ng orange t-shirt na gamit ng mga preso sa sala ni Judge Agnes Carpio ng Pasig RTC Branch 261.
Bukod kay Roldan, na kasama ng kanyang abogadong si Atty. Siegfrid Fortun, dumating din sa nasabing unang pagdinig ng kaso ang lima pang akusado na sina Noel San Andres, Rowena San Andres, Romeo Orcajada, Adrian Domingo at Octavio Garces.
Dumating din sa nasabing proceedings si Alberto Pagdanganan, isa rin sa mga suspect subalit tumayong state witness.
Isa pa sa mga suspect na si Suzette Wang, umanoy girlfriend ni Roldan at umanoy mastermind sa pagdukot na kasalukuyang nakalalaya pa.
Sa naganap na hearing, isinumite ng government at private prosecutors ang mga ebidensiya at dokumento kay Judge Carpio kabilang ang apat na wiretapped tapes na naglalaman ng pag-uusap ng nanay ng kinidnap na 3-anyos na Tsinoy at isa sa mga kidnappers na nanggaling sa Police Anti-Crime and Emergency Response (PACER).
Ang apat na tapes at iba pang ebidensiyang dokumento ay nakatakdang talakayin sa susunod na hearing na gaganapin sa Setyembre 20 dakong alas-8:30 ng umaga.
Ayon naman kay Fortun, may 32 witness silang ipi-present sa open court sa pagpapatuloy ng pagdinig sa kaso.
Matatandaang si Roldan at lima pang akusado ay nadidiin sa kasong pangingidnap sa 3-anyos na Tsinoy na si Kenshi Yu noong Pebrero 28, 2005 ng umaga habang papasok ito sa eskuwelahan sa Ortigas, Pasig City.
Matapos ang dalawang linggo ay nailigtas si Yu ng operatiba ng PACER sa safehouse ng mga suspect sa Quezon City kung saan naaresto ang anim na suspect kabilang si Pagdanganan na siya namang nagturo kay Wang na siyang financier sa nasabing pangingidnap sa biktima dahil kaibigang matalik ito ng pamilya Yu. (Edwin Balasa)