Kasalukuyang nakapiit sa detention cell ng Valenzuela City Police ang suspect na si Edgardo de Leon, alyas Bernardo Gotiangse, 43-anyos at residente ng 64 Road 13, Pag-asa, Quezon City.
Batay sa pahayag nina PO3s Armando Delima, Ronald Bautista at Ronald Sanchez, na pawang nakatalaga sa Station Investigation Division (SID) ng Valenzuela City Police, dakong alas-9 ng gabi nang magtungo ang kanilang team sa Doon St., Brgy. Gen. T. de Leon upang mag-follow-up sa naganap na saksakan doon.
Ipinarada umano ng mga nabanggit na pulis ang kanilang patrol car na puting Toyota Corolla at may plakang SFC-434 sa gilid ng kalsada upang mag-imbestiga sa naganap na saksakan.
Nang balikan umano ng mga pulis ang kanilang patrol car, naabutan nila ang suspect na dinidistrungka ang pintuan ng kanilang sasakyan.
Nagtangka pang tumakas ang suspect ngunit makaraan ang ilang minutong habulan ay naabutan din ito na nagbunga sa kanyang pagkaaresto.
Nabatid pa sa rekord ng pulisya na ang suspect ay miyembro ng isang carnapping syndicate at may pending case ng carnapping sa Malabon City noong Marso 2002, habang nakuha naman sa posesyon ng huli ang dalawang drivers license na pawang nakapangalan sa kanya. (Ulat ni Rose Tamayo)