Serial killer sa Maynila, timbog

Isang hinihinalang serial killer na responsable sa pagpaslang sa pito katao ang nadakip ng mga kagawad ng Manila Police District (MPD), kahapon ng umaga sa Binondo, Maynila.

Nakilala ang suspect na si Romeo Villanueva, alyas Kalbo, 38, ng Gate 64 Area H, Parola Compound, Binondo.

Nabatid na inaresto si Villanueva ng mga kagawad ng MPD-Station 11 dakong alas-5 kahapon ng umaga sa loob mismo ng bahay nito sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Manila Regional Trial Court.

Positibong kinilala ng mga saksi si Villanueva na siyang responsable sa pagpaslang sa pinakahuling biktima na si Rafael Taac-Taac.

Nabatid na nagtalo ang biktima at ang suspect nitong Agosto 21 dahil sa pagrereklamo ng una sa madalas na pagpapaputok ng baril ng huli sa kanilang lugar.

Napag-alaman pa na dinala ng biktima ang kaso sa barangay na ikinagalit ng suspect kung kaya pinaslang si Taac-Taac.

Bukod dito, nahaharap din sa anim pang hiwalay na kaso ng pamamaslang ang suspect.,

Ayon sa ulat, ang suspect ay kilalang hoodlum sa lugar na sangkot din sa operasyon ng holdap at ilegal na droga. Madalas din umano itong maglasing at basta na lamang binabaril kung sino ang makursunadahan.

Show comments