Ayon kay Supt. James Brillantes ng QCPD-District Intelligencde and Investigation Division, naberipika na nila sa Land Transportation Office kung sino ang nagmamay-ari ng dalawang sasakyan na gamit ng mga tauhan ng Task Force Hunter ni Sr. Insp. Reynaldo Jaylo nang dukutin ng mga ito sina Charles Sajor, 15, Australian national; Michael Jayson Rea, 21, at Alfred Batolio, 30.
Lumilitaw na ang plakang VCP-985 ay nakalaan para sa isang Isuzu Hi-Lander at nakapangalan sa isang Jose Francisco Sardea Capulong ng Sampaguita Drive Capistrano Subd., Lucena City; samantalang ang Toyota Tamaraw Wagon na may plakang XML-198 ay nakarehistro naman kay Virgie Eric Sambajon ng #723 Bldg. 7, Guadalupe Bliss, Makati City.
Sinabi ni Brillantes na bagamat sinasabi ni Jaylo na lehitimo ang kanilang operasyon, kailangan pa rin nitong magpaliwanag sa LTO kung bakit sila gumagamit ng plaka ng ibang sasakyan.
Posible rin umano na makuwestiyon ang mga tauhan ng TF Hunter dahil sa pagkuha sa tatlo nang hindi nila matagpuan ang umanoy illegal recruiter na si Estrella Pernilla. Kinuha rin ng TF Hunter ang ilang mga papeles at POEA Forms sa bahay ni Pernilla.
Matatandaan na noong Sabado ng madaling-araw nang pasukin ng limang kalalakihan na pawang mga armado ng baril ang bahay ni Pernilla sa #53 Roces Ave. Brgy. Laging Handa, Quezon City. Ang mga suspect ay gumamit ng mga sasakyang Mitsubishi Lancer at Toyota Corolla nang isagawa ang operasyon. (Doris Franche)