Nasawi noon din ang biktimang si Edwin Bacornay, 33, ng Jade Homes Compound, Armstrong Ave., Pasay City. Nagtamo ito ng maraming tama ng bala sa ibat ibang bahagi ng katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.
Nilalapatan naman ng lunas sa St. Dominic Hospital, Bacoor, Cavite ang kasama nitong si PO3 Alpeo Talam, 44, nakatalaga sa Holding Group Unit ng Central Police District at naninirahan sa Adas Village, Bacoor, Cavite.
Ginagamot din sa nabanggit na ospital si PEACT Marshal Jeremias Autida, 27, ng Longos, Bacoor, Cavite, sanhi rin ng tama ng bala sa katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.
Sa imbestigasyon ng Las Piñas City Police, naganap ang insidente dakong alas-10 ng gabi sa kahabaan ng Coastal Road, Las Piñas City.
Minamaneho ni Bacornay ang isang motorsiklo at angkas nito si PO3 Talam nang makarating na sila sa toll gate. Sa halip na magbayad ang mga ito ng toll fee, hinagis na lamang ng mga ito ang P20 bill at mabilis na pinaharurot ang kanilang motorsiklo.
Iniradyo ng cashier ang insidente sa grupo ng PEAC marshals hanggang sa hinabol ng mga ito sina Bacornay at PO3 Talam.
Dito na nagsimula ang pagpapalitan ng putok mula sa dalawa at grupo ng PEAC marshals. Nagresulta ito sa agarang kamatayan ni Bacornay at malubhang pagkasugat nina PO3 Talam at Autida. (Ulat ni Lordeth Bonilla)