Ayon kay Senior Supt. Raul Medina, hepe ng Pasig City police na tukoy na nila ang grupong nagsagawa ng panghoholdap at inaasahan nila ang madugong engkuwentro sakaling matunton nila ang pinagtataguan ng mga ito matapos na ikalat ang tatlong grupo na kinabibilangan ng limang pulis kada team sa mga pinaniniwalaang pinagtataguan ng mga suspect.
Bukod dito, sinabi pa ni Medina na nakatakda silang magsagawa ng lie detector test sa mga security guard at teller ng bangko na kasama sa armored van ng maholdap ito upang masigurong walang inside job sa nasabing insidente.
Nabatid pa sa ulat na mga professionals ang mga suspect at talagang planado ang ginawang panghoholdap.
Matatandaang hinoldap ng anim na armadong kalalakihan ang isang armored van na magdedeliber sana ng pera sa isang remittance company sa kahabaan ng San Miguel Avenue, Brgy. San Antonio ng lungsod na ito.
Agad na pinaulanan ng bala ng mga suspect ang armored van na ikinasugat ng apat na katao at saka kinuha ang duffle bag na may lamang pera saka mabilis na nagsitakas.
Bumuo rin ang Marikina City police ng isang 12-man task force upang siya namang mag-imbestiga sa bigong P.3 milyon holdap na ikinamatay ng dalawa katao sa nabangit na lungsod. (Ulat ni Edwin Balasa)