13-anyos na balut vendor di na binayaran, ginilitan pa

Isang 13-anyos na balut vendor ang ginilitan ng dalawang hindi pa nakikilalang kalalakihan makaraang mapagtripan at magalit ang mga ito sa una nang singilin sa kinaing balut, kamakalawa ng gabi sa Taguig City.

Hindi na nakarating ng buhay makaraang isugod sa Rizal Medical Center ang biktimang nakilalang si Miguel Cordora, ng Purok 3, Brgy. Upper Bicutan, ng nabanggit na lungsod.

Mabilis namang tumakas ang dalawang hindi pa nakikilalang mga suspect matapos ang isinagawang pagpatay sa biktima.

Sa imbestigasyon ni PO3 Harold Aglipay, ng Criminal Investigation Division (CID) ng Taguig Police, naganap ang insidente dakong alas-10 ng gabi sa panulukan ng Air Force Road at Kabasaan St., Zone 4, Brgy. Signal Village, Taguig City.

Napag-alaman na habang nagtitinda ng balut ang biktima sa naturang lugar ay biglang lumapit ang mga suspect at pinagtripan kumain ng tinda nito.

Pagkatapos makarami sa paninda ng biktima ay umasta nang aalis ang mga ito kung saan siningil ni Cordora.

Nagalit ang mga suspect kung saan ginilitan ang biktima.

Ayon sa mga testigo nakita na lamang nilang sabug-sabog ang panindang balut ng biktima na duguang humandusay sa daan.

Isang manhunt operation ang isinasagawa ng pulisya laban sa mga tumakas na suspect. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments