Kinilala ni Senior Supt. Manuel Gearlan ang mga nasawing sina Edward Yang, 24, may-ari ng pharmacy at ang driver nitong si Glen Magbanua, 47, na nagtamo ng hindi mabilang na tama ng bala ng baril sa ulo at katawan.
Samantala, sugatan naman ang misis ng Tsinoy na si Sarah, 21, na tinamaan naman sa braso. Ang mag-asawa ay residente ng Parkland State Brgy. Malanday, Marikina City.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-2:45 ng hapon habang binabagtas ng mga biktima sakay ng isang kulay puting Mitsubishi L-300 ang kahabaan ng A. Santos St., Brgy. Concepcion Uno ng nasabing lungsod.
Napag-alaman na galing sa pagwi-withdraw ng halagang P300.000 sa China Bank sa Brgy. Sta. Elena sa lungsod ang mag-asawa nang bigla na lamang sabayan ng mga suspect ang kanilang sasakyan at walang sabi-sabing pinaulanan ng bala ng baril.
Napuruhan kaagad si Magbanua at agad na namatay, habang ang amo nitong si Edward ay namatay sa St. Vincent Hospital.
Gayunman, matapos ang pamamaril ay dumami ang usisero sa lugar na siya namang ikinataranta ng mga suspect kaya hindi nagawang makuha ang pera sa sasakyan.
Tinututukan ni Gearlan ang anggulong inside job sa insidente.
Samantala, apat katao ang nasugatan makaraang holdapin ng tinatayang anim na armadong kalalakihan ang isang armored van kung saan natangay ng mga ito ang malaking halaga ng cash ng isang remittance company, kahapon ng umaga sa Ortigas Center sa Pasig City.
Ang naganap na holdapan ay itinaon sa kainitan ng programa ng ika-32 anibersaryo ng Eastern Police District (EPD) na ginanap sa Brgy. Caruncho ng nabanggit na lungsod kung saan panauhing pandangal si NCRPO chief Director Vidal Querol.
Nakilala ang mga nasugatan na sina Rommel Villanuac, 32, security guard ng I-Bank na nagtamo ng tama sa kanang hita; Samuel Unido, 23; Antonio Macario, 53; at George George, 46, pawang empleyado ng Discovery Suit.
Sa inisyal na imbestigasyon na tinanggap ni Sr. Supt. Raul Medina, hepe ng Pasig City police na naganap ang insidente dakong alas-10 ng umaga sa kahabaan ng San Miguel Avenue, sa likod ng Discovery Suit sa Brgy. San Antonio sa nabanggit na lungsod.
Napag-alaman na pumarada ang isang armored van galing I-Bank Makati upang maghatid ng pera sa I-Remit, isang remittance company na nasa ika-28 palapag ng Discovery Suit.
Pagbaba ng tatlong sekyu buhat sa nasabing armored van bitbit ang isang duffle bag na may lamang pera ay bigla na lamang lumitaw ang apat na armadong suspect lulan ng isang asul na Mitsubishi Adventure, may plakang XEZ-668 na umanoy matagal nang nakaparada sa nasabing lugar.
Mabilis na pinaulanan ng bala ng baril ang paligid at saka inagaw ang duffle bag sa mga sekyu at saka mabilis na tumakas.
Matapos ang may 30 segundong pagpapaulan ng putok ng baril nagawang makuha ng mga suspect ang pakay na pera, habang nasugatan naman ang mga biktima.
Ilang minuto ang nakalipas ay natagpuan ang get-away vehicle ng mga suspect 500 metro lang ang layo buhat sa pinangyarihan ng holdapan.
Nabatid sa ilang saksi na lumipat ng mga sasakyan ang mga suspect sa isang kulay gray na Toyota Revo na walang plaka at tumakas patungong Antipolo City.
Nakuha sa pinangyarihan ng insidente ang 43 basyo ng bala ng kalibre .45 baril, M-16 armalite, shotgun at carbin.
Lumalabas sa imbestigasyon na planado at matagal na nagsagawa ng surveillance ang mga suspect bago isinagawa ang panghoholdap.
Patuloy naman ang isinasagawang follow-up operation ng mga awtoridad para tugisin ang mga suspect. Inaalam pa kung magkano ang halaga na natangay ng mga holdaper. (Ulat ni Edwin Balasa)