Nabatid kay Gierlan Ramos, vice-president ng Confederation of FX, Highlander, AUVs, Vans Operators and Drivers Association Inc. (COFHAODA) na sasama sa welga ang mismong may 7,000 na mga AUVs taxi na karamihan ay may mga unit na 97 model pababa upang harangin ang Memorandum Circular #2005-023 ng LTFRB na mas kilala sa tawag na AUVs Express Conversion.
Nakasaad sa nasabing memorandum order na kinakailangang magpa-convert ang isang AUV na sasakyan upang makasingil kada-ulo at kinakailangang magbayad ng P30,000 kada-unit para dito.
Subalit nakasaad din sa nasabing memo na hindi nila isasama sa conversion ang mga AUV na may model na 97 pababa at sa halip ay gagawin na lamang ang mga ito bilang mga metered taxi at dadalhin sa mga pier upang doon bumiyahe o kaya ay gagawin na lang na mga service vehicle ng mga eskwelahan.
Dahil dito, humingi ng paumanhin ang pamunuan ng COFHAODA sa mga pasahero sa gagawin nilang tigil-pasada ngayong araw dahil kinakailangan umanong mapakinggan sila ng gobyerno upang hindi tuluyang mawalan ng hanapbuhay ang may 7,000 drivers ng mga AUVs. (Edwin Balasa)