Anak ng Tsinoy pinag-aaral na sa Singapore

Dahil sa umano’y patuloy at talamak na kidnapping sa bansa, sinabi ni Citizens Action Against Crime (CAAC) Chairperson Teresita Ang See na hindi na pinag-aaral ng mga pamilyang Tsinoy ang kanilang mga anak sa Pilipinas kundi pinapadala ang mga ito sa Singapore at sa ibang bansa sa Southeast Asia.

Idinagdag pa ni See na tumaas ng 200% ang bilang ng mga Tsinoy na estudyante sa elementarya, high school at maging sa kolehiyo na nag-aaral ngayon sa Singapore.

Ayaw na umano ng mga magulang na makipagsapalaran sa seguridad sa bansa dahil sa wala namang ginagawang konkretong aksyon at solusyon ang PNP ukol sa problema ng kidnapping bagkus ay pinagtatakpan lamang upang palabasin na napigilan na nila ito.

Bukod sa problema sa kidnapping mas kursunada rin umano ng mga Tsinoy ang programa ng edukasyon sa Singapore na nakatutok sa Science and Technology at Mathematics.

Malaking pera rin ang lumalabas sa bansa dahil sa nagpapadala ng allowance na US dollars ang mga magulang ng mga estudyante.

Pinakahuling insidente ng kidnapping ng batang Tsinoy ang pagdukot sa 11-anyos na si Ryan Yu sa Sta. Cruz, Manila. Wala pa rin namang ipinalalabas na update ang Manila Police District sa kaso dahil sa ayaw makipagtulungan ng pamilya nito.

Tinukoy ni See na parami na nang parami ang mga pamilyang Tsinoy na lumalayas na sa bansa sa bagsak na law enforcement ng PNP. Bukod sa kidnapping, isa ring kinatatakutan ng mga Tsinoy ang insidente ng ‘hulidap’ na isinasagawa mismo ng mga scalawags na pulis sa Metro Manila. (Danilo Garcia)

Show comments