Nakilala ang biktima na si Norberta Adonis, 65, na nagtamo ng maraming saksak at mga paso sa ibat-ibang bahagi ng katawan.
Mabilis namang nakatakas ang mga suspect matapos ang isinagawang brutal na pagpaslang at pagnanakaw sa biktima.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Las Piñas City Police, naganap ang insidente dakong alas-6 ng gabi sa loob ng bahay ng biktima sa Block 13 Lot 13 General Aguinaldo St., Soldiers Hills 2, Brgy. Almanza Uno ng nabanggit na lungsod.
Nabatid na nilooban ang biktima na nagkataon na nag-iisa sa loob ng bahay.
Nabatid na pinagtulungang saksakin ng mga suspect ang biktima hanggang sa balutin ng mga ito ng damit ang bangkay ng matanda at saka sinilaban.
Pagkatapos ay mabilis na nagsitakas dala ang mga nakulimbat sa bahay.
Napansin naman ng ilang kapitbahay na nasusunog ang bahay ng biktima at nakita nga nila ang apat na kalalakihan kung kayat agad silang humingi ng tulong.
Pinasok ang bahay at doon nakitang nasusunog na ang damit na pinagbalutan sa biktima kung kaya pinagtulung-tulungan itong apulain.
Patuloy namang nagsasagawa ng follow-up operation ang pulisya ukol dito. (Lordeth Bonilla)