Nahaharap ngayon sa kasong large-scale estafa through falsification of public documents ang mga suspect na sina Manny Carlo Yu, ng Buhangin, Villa Park Subd., Cabantin Road, Davao City at Veronica Reyes y Uy, residente rin ng naturang lugar.
Pinaghahanap naman ang apat pang kasabwat ng naturang sindikato na nakilalang sina Geoffrey Raymond Uy, Joseph Calunsag, Ramon dela Vega Uy na itinuturong mastermind ng grupo at isang alyas Juanita Camacho.
Unang nadakip ng NBI sina Jeremias Clamor Jr. at Sharwin Reyes y Uy sa isang operasyon nitong nakaraang Agosto 5 nang tangkaing kunin ng dalawa ang padalang P44,000 buhat sa isang OFW na si Gina Cimafranca Bajana.
Nabatid na nagtatrabaho sa Singapore si Bajana at nakatanggap ng text message buhat kay Clamor na nagpakilala sa pangalang Felipe Teves Suarez na nagsasabing nanalo siya ng milyun-milyong piso sa isang raffle sa Maynila. Hiningan siya nito ng pera at sinabing nakapagpadala na ng P79,214 bilang processing fee umano para makuha ang premyo.
Matapos na madakip, ikinanta naman ng dalawa ang mga kasamahan sanhi upang madakip sina Yu at Reyes.
Nabatid naman sa mga nakuhang dokumento sa kanila na nakakuha na ng US$169.83 si Yu buhat sa isang Joni Mauro Aguilar na naninirahan sa Greece nitong Agosto 4 sa pamamagitan ng money transfer sa Davao City.
Umaabot na umano sa P155,000 ang halagang natatangay ng mga suspect buhat sa kanilang biktima bukod pa sa mga cellphone load na kanilang nakukuha sa mga biktima na nagkakamali na kumagat sa kanilang pang-aakit sa pamamagitan ng cellphone.