Sa ulat ng MPD-Station 11, dakong alas-9:45 ng gabi nang hagisan ng granada ang Dominos Pizza na nasa ibaba ng isang gusali sa may Escolta St., Binondo, Maynila.
Sa pagsusuri ng Explosive and Ordnance Division, isang MK2 grenade ang inihagis ng hindi nakikilalang mga suspect na mabilis na nagsitakas matapos ang insidente.
Agad namang itinanggi ng pamunuan ng MPD na kagagawan ng mga terorista na nais maghasik ng kaguluhan ang naturang pagpapasabog.
Sinabi ni Gil Palma, empleyado sa pizza parlor kasalukuyan silang nagtatrabaho sa loob ng makarinig ng malakas na pagsabog. Isa pang saksi ang nakakita na isang lalaki ang umaaligid sa tapat ng parlor at mawala matapos ang pagsabog.
Ayon sa imbestigasyon, noong nakalipas na buwan ay nagkaroon ng sibakan sa mga empleyado sa nasabing pizza outlet kaya teorya ng pulisya malamang na isa sa mga suspect ay dating tauhan ng naturang establisimento.
Sinabi pa ng mga empleyado na isa nilang kasamahan ang tinanggal dahil sa pakikipag-away sa kasamahan sa trabaho at posibleng naghiganti lamang ito.
Kasalukuyan naman na nagsasagawa ngayon ng imbestigasyon ang pulisya upang makakuha ng cartographic sketch at makilala ang suspect. (Danilo Garcia)