Kinilala ni Sr. Supt. Leo Dillo Garra, Caloocan PNP chief, ang suspect na nahaharap sa kasong rape in relation to Republic Act 7610 (anti-child abuse law) na si Mark John Hawser, tubong-England at pansamantalang naninirahan sa Tuna St., Maypajo ng nasabing lungsod.
Nakatakda namang isailalim sa pagsusuri ang tatlong biktima na itinago sa mga pangalang Janice, 17; Aiza, 14; at Fe, 11, pawang mga naninirahan din sa nabanggit na lugar upang matiyak kung positibo ang mga ito sa panghahalay.
Sa nakalap na impormasyon sa Womens and Childrens Concerned Desk (WCCD) ng Caloocan City Police, nabatid ang panggagahasa sa tatlong biktima nang isa sa mga ito ang maglakas-loob na magsumbong sa mga awtoridad.
Sa salaysay ng pinakabatang biktima, naganap ang panghahalay sa kanya kahapon ng madaling-araw sa pagitan ng alas-2 hanggang alas-5 ng umaga sa loob ng inuupahang kuwarto ng suspect kung saan inanyayahan siya ng Briton na uminom ng alak at nang malasing ay agad na nakatulog.
Ayon dito, nagising lamang siya nang maramdamang may himihimas sa maseselang parte ng kanyang katawan at nang imulat ang kanyang mga mata ay tumambad ang hubad na katawad ng suspect.
Tinangka ng biktimang manlaban subalit hindi umubra ang kanyang lakas sa suspect hanggang maisakatuparan nito ang panghahalay at saka lamang siya pinauwi ni Hawser kung saan agad namang nagsumbong si Fe sa kanyang magulang. Agad ding humingi ng tulong sa mga awtoridad ang mga ito na naging dahilan sa pagkaaresto sa Briton.
Nang makarating naman sa kaalaman ng magkapatid na Aiza at Janice ang pagkakaaresto sa suspect ay agad nagtungo ang mga ito sa himpilan ng pulisya upang ipagharap din ng reklamo si Hawser dahil sa ginawang panghahalay nito sa kanila.
Sa pahayag pa ng magkapatid na biktima, unang ginahasa ng suspect si Aiza sa isang motel sa Maynila nang imbitahan itong kumain sa labas subalit nang uminom ng juice ay bigla siyang nahilo at nang magising ay nasa loob na ng isang kuwarto at nakahubad na. Ganito rin ang salaysay ni Janice sa mga awtoridad kung paano siya nahalay ni Hawser.
Sa himpilan ng pulisya, mariin namang itinanggi ng suspect ang paratang sa kanya at sa halip ay sinabi pa nitong ang tanging lalabas na medical certificate ang makapagpapatunay kung talagang ginahasa niya ang mga biktima. (Ulat ni Rose Tamayo)