Nakilala ang mga nadakip na sina Rosita Rosal, 48; Anita Castillo, 55, at Felipe Oroco Jr., 29, pawang residente ng 2nd Avenue ng nasabing lungsod.
Sa ulat, dakong alas-8:30 nang maaresto ang mga suspect sa loob ng La Loma Cemetery na matatagpuan sa 5th Avenue C-3, Caloocan City.
Sa salaysay ng mga guwardiya na sina Jerry Peñaflor, 24, at Genesis Almojel, 28, kasalukuyan silang nagroronda nang mamataan nila ang tatlong suspect na kasalukuyang kinukuha ang buto ni Alberto dela Cruz na isa sa mga nakalibing sa naturang sementeryo.
Nang sitahin ng mga guwardiya ang tatlo ay agad na nagsitakbo ang mga ito habang bitbit pa ang mga kinuhang buto subalit bago pa tuluyang makatakas ay nasakote na rin ang mga suspect na dinala sa himpilan ng pulisya.
Ayon sa guwardiya, matagal na umanong may nagrereklamo sa pamunuan ng La Loma Cemetery dahil nawawala ang mga buto ng kanilang mga mahal sa buhay na nakalibing sa naturang sementeryo kayat ipinag-utos sa kanila ang mahigpit na pagmamanman sa loob ng kanilang tinatanuran.
Nabatid naman sa mga suspect na ibinebenta nila sa mga buto na kanilang nakukuha ngunit hindi umano nila alam kung ano ang ginagawa sa mga buto ng tao na kanilang nakukuha.
May palagay naman ang mga awtoridad na posibleng ibinebenta sa mga medical student. (Ulat ni Rose Tamayo)