Multiple murder ikinasa vs utak sa masaker

Sasampahan na ngayong araw ng kasong multiple murder ang itinuturong utak sa naganap na masaker sa Caloocan City makaraang hindi ito magpakita sa himpilan ng pulisya sa loob ng isang araw.

Sa nakalap na impormasyon, si Marivic Latosa, dating secretary at common-law wife ng ama ng biktimang si Andrew Luis Villa, 42, ay inimbitahan na ng pulisya sa kanilang tanggapan upang magpaliwanag tungkol sa pagkakadawit ng pangalan nito sa naganap na malagim na krimen na ikinamatay ng apat-katao noong Hulyo 27 sa loob ng bahay ng pamilya Villa sa 111 12th Avenue corner 4th St. ng nasabing lungsod.

Habang sinusulat ang balitang ito ay hindi pa rin nagpapakita sa mga awtoridad si Latosa matapos itong ituro ng isa sa naarestong suspect na si Juanito Espinosa, alyas Tyson.

Si Espinosa ay naaresto sa pinagtataguan nito sa Brgy. Mabuhay, Angandanan, Isabela matapos na ituro ng kanyang asawa.

Sa isinagawang interogasyon ng pulisya, ikinanta ni Espinosa ang kanyang mga kasamahan na naging dahilan ng pagkakaaresto kay Jover Arogante sa bahay nito sa Caloocan habang pinaghahanap pa ang dalawang kasamahan ng mga ito.

Sina Espinosa at Arogante ay kapwa trabahador ni Villa sa tindahan nito ng heavy equipment and spare parts na matatagpuan naman sa 5th Avenue, Caloocan City. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments