Ayon kay MMDA Traffic Operation Center (TOC), Director Angelito Vergel De Dios, ilan sa mga kumpanya ng bus ang pabor na ipatupad ang number coding o UVVRP.
Layunin nito na mabawasan ang kompetisyon dahil napakaraming bus ang pumapasada lalo na sa kahabaan ng Edsa Avenue, samantalang kakaunti lamang ang sumasakay na mga pasahero.
Ayon pa kay De Dios, pabor ang ilang kumpanya ng bus dahil malaking katipiran ito sa gasolina at mas marami aniyang mga pasaherong sasakay dito.
Ngunit ang iba namang bus operator tulad ni Claire Dela Fuente ay tutol sa naturang panukala, dahil kapag aniya may number coding na sa mga bus malulugi aniya ang kanilang negosyo.
Sakaling ipatupad na ang Organized Bus Route (OBR) program, plano pa ring i-implementa ng MMDA sa mga bus sa darating na mga araw ang number coding o UVVRP.
Sa record ng MMDA sa ilalim aniya ng OBR programa, nakatipid ng gasolina na nagkakahalaga ng P2 bilyon ang mga bus kada taon. (Lordeth Bonilla)