Ayon kay Velasquez, binibigyan niya ng pagkakataon sina Insp. Amor Cerillo, PO1 Francis Castillo at PO1 Jocelyn Samson upang magpaliwanag hinggil sa pagkakatagpo ng bangkay ni Jonathan Diasanta, 19, noong nakaraang Hulyo 23 ng madaling-araw sa masukal na lugar sa Brgy. San Juan, Taytay, Rizal na may tama ng bala ng baril sa ulo.
Subalit ayon sa natanggap na impormasyon ni Velasquez, hindi na umuuwi ng kanilang bahay ang tatlong pulis kaya posibleng nagtatago na ang mga ito matapos na maglabasan sa mga pahayagan ang pagkakatagpo ng bangkay ng biktima.
Matatandaang kamakalawa ay isinampa na sa Mandaluyong Prosecutors Office ang kasong kidnapping with murder sa tatlong akusado, bukod dito ay hiwalay na sinampahan din ang mga ito ng kasong administratibo sa NAPOLCOM.
Napag-alaman na si Diasanta ay binagansiya ng mga suspect noong Hulyo 22 ng gabi sa EDSA kanto ng Crossing sa nasabing lungsod subalit inilabas din ito ng kulungan dakong ala-1 ng madaling-araw ng Hulyo 23 ni PO1 Castillo at isinakay sa mobile patrol kasama ang dalawa pang suspect.
Apat na oras ang lumipas at nakita ang bangkay ng biktima sa isang madamong bahagi sa Brgy. San Juan sa Taytay, Rizal. (Ulat ni Edwin Balasa)