Ayon kay Supt. Napoleo Cuaton, hepe ng Station Investigation and Detective Management Bureau ng Caloocan City Police, ang unang anggulong kanilang tinitingnan ay ang pagnanakaw.
Aniya, isa sa nawala sa bahay ng pamilya Villa ay ang alkansiya ng biktimang si Yvanna Faye alyas Lang-Lang, 12-anyos, bukod sa nawawala rin ang laman ng pitaka ng ama nitong si Andrew Luis Villa, 40.
Kabilang din sa pinatay ng suspect na si Junito Espinosa alyas Tyson, 32, empleyado ni Andrew sa kanyang tindahan ng heavy equipment and spare parts sa 5th Avenue, Caloocan City, ay ang live-in partner at sekretarya ng huli na si Joy Cam, 19, at ang katulong na hanggang sa kasalukuyan ay nakilala lamang sa alyas na Manang, 60.
Nabatid na wasak ang mga gamit sa loob ng kuwarto ni Andrew na katunayan lamang na naghanap pa ang suspect ng mananakaw sa kanyang amo bago ito tuluyang tumakas.
Ikalawa sa tinututukan ng pulisya ang anggulong love triangle, ayon sa opisyal, posibleng may namumuong relasyon sa pagitan ng suspect na dating amateur boxer sa Zamboanga City at kay Joy na sekretarya at live-in partner ni Andrew.
Ayon pa kay Cuaton, base sa kanilang mga nakausap na kasamahan ng suspect, sa tuwing magkukuwento umano si Tyson sa mga katrabaho ay palaging minumura nito si Andrew dahil sa matinding selos na nararamdaman.
Matatandaan na kamakalawa ng tanghali, dakong alas-12:05 nang matagpuan ang bangkay ng apat na biktima sa loob ng bahay ni Andrew sa #111 12th St., Caloocan City.
Si Andrew, na bukod sa mga saksak sa katawan ay lumuwa pa ang bituka habang ang tatlo pang biktima ay pawang mga laslas ang leeg at tadtad ng saksak sa ibat ibang bahagi ng katawan.
Nakakuha rin ang mga awtoridad ng isang sim card sa loob ng bahay ng pamilya Villa na pinaniniwalaang pag-aari ng suspect at nang kanilang isalpak sa unit ng cellular phone ay nakabasa pa ng mensahe ang pulisya mula sa isang kamag-anak ni Tyson na nagtatanong kung totoo ba na ito ang may kagagawan sa pagkamatay ng kanyang amo at ng tatlo pang katao. (Ulat ni Rose Tamayo)