Ayon kay Supt. Ericson Velasquez, hepe ng Mandaluyong Police, bukod sa kasong kriminal ay nahaharap din ang mga suspect na sina PO1s Francis Castillo, Jocelyn Samson, Inspector Amor Cerillo sa pagkakasibak sa serbisyo kung mapapatunayang responsable sa pagkakapatay sa biktimang si Jonathan Diasanta, 19 na kanilang inaresto sa kasong bagansiya noong nakaraang Biyernes ng gabi sa EDSA Crossing. Kinabuksan ay natagpuan ang bangkay ng binatilyo sa isang masukal na lugar sa Brgy. San Juan, Taytay, Rizal na may tama ng bala ng baril sa ulo.
Napag-alaman din kay Velasquez na sa kasalukuyan ay hindi na nagre-report sa serbisyo ang mga suspect mula ng lumabas sa mga pahayagan ang pagkakatagpo sa bangkay ng biktima.
Ayon sa ina ng nasawi na si Teresa Diasanta, 51, tagawalis sa kalsada na matapos na mahuli ang kanyang anak ay may inutusan pa ang mga suspect na pumunta sa kanilang bahay upang ipaalam na nabagansiya ang kanyang anak at humihingi ang mga pulis ng P1,500 para makalaya ito, subalit sinabi ng ina na wala silang pera na pantubos dito. (Ulat ni Edwin Balasa)