Nabatid na mapipilitan ang General Court Martial (GCM) na idismis ang kaso laban sa nasabing mga lider ng Magdalo matapos mabigo ang mga abogado ng prosekusyon na mabasahan ng sakdal sa kaso ang mga akusado sa loob ng itinakdang 2 taon.
Ang prescription period ay nagtapos nitong Martes, pasado alas-12 ng hatinggabi na siyang ikalawang taong anibersaryo ng Oakwood Mutiny.
Bunga nito, malamang na palayain ng GCM ang 27 junior officers maliban sa dalawang hardcore leaders na sina Navy Lt. Sr. Grade Antonio Trillanes IV at Army Capt. Milo Maestrecampo na nabasahan na ng sakdal.
Gayunman, hindi pa dinidismis ng GCM ang kaso laban sa mga akusadong junior officers dahil sa kawalan ng quorum at napilitang i-adjourn ang paglilitis dakong alas-12:19 ng madaling-araw.
Nabatid na nabawasan ang panel ng GCM matapos na mag-inhibit sina Major Maria Victor Girao at Lt. Col. Ajerico Amagna nang i-challenge for a cause ng mga abogado ng depensa.
Sina Trillanes, Maestrecampo at 27 iba pa ay pinadadalo rin sa pagdinig sa Huwebes. Nabatid na bagaman nabasahan ng sakdal si Maestrecampo ay hindi naman ito nakapag-plea sa kaso. (Ulat ni Joy Cantos)