Ito ay matapos na mailunsad ng Department of Education ang kanilang programang "Bright Minds Read Program" na siyang tumutulong sa mga Grade 1 student upang matutong bumasa at umintindi.
Lumalabas sa pag-aaral ng DepEd na 40% ng mga nasa Grade 1 ang nahihirapang magbasa.
Sa data ng DepEd, mula sa enrollment ng 2004 ay mayroong kabuuang bilang ng 229,270 na Grade 1 students at ang bilang na ito ay inaasahang madadagdagan para sa Grade 4 ng mga bata subalit ito ay bumaba sa 183,113.
Layunin ng nabanggit na programa na matutong magbasa ang mga mag-aaral bago sila sumapit sa Grade 3.
Sa isinagawang speech ni Undersecretary for Administration and Finance Juan Miguel Luz sa muling pagbubukas ng ikaapat na taon ng nabanggit na programa sa Pio del Pilar Elementary School sa Makati City ay sinabi nito na umaabot sa halos one-fourth (1/4) ng mga grade 1 student ang hindi nakakapag-grade 4.
Sinabi ni Luz na ang dahilan kung bakit nahihirapan ang mga bata na magbasa ay dahil umano sa kakulangan ng sapat na pagkain, mahinang resistensiya at kulang sa suporta ng mga magulang.
Dapat umanong pagsapit ng mga mag-aaral sa elementary grade 4 hanggang 6 ay makakaya na nitong magbasa nang mag-isa.
At dahil dito, minarapat ng DepEd na ilunsad ang kanilang program na siyang lilinang sa mga grade 1 upang matutong magbasa.
Sinimulan ang naturang programa noong 2002 sa 14 na paaralan sa NCR at 5,000 mahiyain at mahihinang mag-aaral ang inilahok.
Ngayon 35% ang iniunlad ng pagbasa ng mga grade 1 noong 2002 na ngayon ay nasa grade 3 kumpara sa mga grade 1 na hindi dumaan sa nabanggit na programa.
Ang naturang programa ay sumasaklaw sa 477 na pampublikong paaralan at 33 annex sa buong National Capital Region. (Edwin Balasa)