Ayon kay Sr. Insp. Rey Medina, hepe ng QCPD-GAS, nananatiling tikom ang bibig ng mga residente at kalaro ng biktima kaugnay sa pagdukot sa biktimang si Christopher dela Cruz, 7, ng No. 940 Benitez Industries, Balintawak, Caloocan City.
Inamin ni Medina na nahihirapan silang makakuha ng mahalagang impormasyon dahil ayaw makiisa ng mga taong posibleng nakakilala sa mga suspect at sa sasakyang gamit ng mga ito nang sapilitang isakay ang biktima dakong alas-9 ng gabi noong Huwebes.
"Kung nakuha ang plate number maaaring ito ang maging lead sa imbestigasyon", ani Medina.
Matatandaan na naglalaro ang biktima nang sapilitang kunin ng mga suspect sa plaza ng Balintawak Market at dakong alas 12:30 ng madaling araw nang matagpuan ang bangkay nito sa harapan ng V. Luna Hospital.
Ang biktima ay panganay sa pitong magkakapatid kung saan nagsisilbi itong "jumper" na nangunguha ng mga kalakal sa mga nagdaraang truck sa EDSA-Balintawak. (Doris Franche)