Positibong kinilala ang biktima sa pangalang Christopher dela Cruz ng kanyang mga magulang na sina Marivic at Felipe, ng EDSA, Balintawak, Caloocan City.
Ayon sa pahayag ng mga magulang ng biktima, dakong alas-9 ng gabi kamakalawa kung saan habang naglalaro ang huli kasama ang mga kaibigan nito nang biglang lapitan ng isang lalaki at nagpakita ng tsapa ng pulis.
Bigla umanong binitbit ng hindi pa pinapangalanang suspect ang biktima at isinakay sa walang plaka na kotse kung saan ay inaakala ng mga nakasaksi na dadalhin lamang sa DSWD ang paslit dahil marami umanong gumagalang mga tauhan ng nasabing ahensya sa nasabing lugar.
Dakong alas-12:30 ng madaling-araw kamakalawa ay bangkay na nang matagpuan ang biktima kung saan ay nagtamo ito ng isang tama ng bala ng baril sa ulo.
Sa isinagawang pagsisiyasat ni QCPD-GAS chief Sr. Insp. Rey Medina, lumalabas na isang "jumper" ang biktima kung saan ay nagnanakaw umano ito ng mga kalakal mula sa mga truck na dumadaan sa kahabaan ng EDSA.
Sinabi pa ni Medina na posible umanong naging biktima ng paslit ang suspect kung kayat binalikan ito ng huli at pinatay.
Ayon naman kay Medina, hindi sila titigil hanggat hindi naaaresto ang suspect dahil sa hindi makatarungang pagpatay nito sa biktima.
Nabatid na panganay sa pitong magkakapatid ang biktima kung saan ay kasalukuyan namang ipinagbubuntis ng kanyang ina na si Marivic ang ika-walo na kapatid nito. (Ulat ni Doris Franche)