Si Al Sta. Maria ay nasa ligtas nang kalagayan at hindi man lamang tinamaan ng bala maging ang dalawa nitong tauhan na hindi pa nakikilala.
Dead-on-the-spot naman ang isa sa mga suspect na nakasuot ng sumbrero, puting polo at maong pants na nagtamo ng dalawang tama ng bala ng armalite sa katawan at isa sa kanang kamay.
Isa naman sa mga suspect na pinaniniwalaang tinamaan ng bala ng baril sa sikmura matapos ang palitan ng putok ang nakatakas kasama ng dalawa pang kasamahan ng mga ito.
Batay sa paunang ulat ng pulisya, dakong alas-11:20 nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Biglang Awa St. malapit sa tanggapan ni Sta. Maria.
Nabatid na minamaneho ni Sta. Maria ang kanyang Nissan X-Trail (XMY-222) kasama ang dalawa niyang tauhan nang mapansin nilang may sumusunod sa kanilang motorsiklo sa likuran sakay ang dalawang kalalakihan.
Agad na naghinala si Sta. Maria kayat pinaghanda niya ang kanyang dalawang kasama at pagliko nila sa Biglang Awa St. ay bigla na lamang sumulpot ang isa pang motorsiklo na lulan pa ang dalawang lalaki.
Ayon kay Sta. Maria, bigla na lamang silang hinarang ng motorsiklo na nasa kanilang unahan at nang akmang papuputukan sila ng baril ng mga suspect ay agad na nagpaputok ng baril ang isa sa mga kasama ng hepe ng DPSTM habang ang motorsiklo sa likuran ng sasakyan ay nagawa nitong gitgitin na naging dahilan upang mawalan ito ng kontrol.
Mabilis namang gumanti ng putok ang mga suspect at sa pagkakataong ito ay nagawang agawin ni Sta. Maria ang kanyang armalite sa isa niyang tauhan at ito mismo ang nakipagpalitan ng putok sa mga salarin habang ang kanyang mga kasama sa sasakyan ay nagsidapa.
Hanggang sa kasalukuyan naman ay hindi pa matukoy ang motibo sa naganap na insidente ngunit naniniwala naman si Sta. Maria na may kinalaman sa kanyang tungkulin ang pagtatangka sa kanyang buhay. (Ulat ni Rose Tamayo)