Sinabi ng source na itinago sa pangalang Aling Lourdes, residente ng Parola Compound, Tondo, matagal na umanong kalakaran ang panghahakot sa mga residente lalo na ang mga nakatira sa mga squatters area tuwing magkakaroon ng kontrobersiya sa pamahalaan.
Ayon dito, nag-umpisa ang panghahakot ng mga grupo na laban sa pamahalaan noong isinagawa ang EDSA 3 noong Mayo 2001 kung saan nilusob ng milyun-milyong katao ang Palasyo ng Malacañang.
Sinabi ng mga ito na may mga coordinator ang bawat grupo kabilang na rito ang Peoples Movement Against Poverty (PMAP) na nakikipag-usap sa mga lider ng mga residente na siyang naghahakot ng mga tao na nais magkapera dahil sa walang trabaho.
Umaabot umano sa P300 at pinakamababa kapag wala talagang pondo ay P60 lamang ang ibinibigay sa mga sumasama sa mga rally. Iniaabot lamang ito ng mga coordinator kapag nagsiuwian na sa kanilang mga bahay ang mga raliyista.
May mga grupo rin naman na pabor sa pamahalaang Arroyo ang naghahakot din ng mga raliyista kung saan nagbibigay naman ang mga ito ng grocery na naglalaman ng bigas, corned beef, kape at asukal. Kapag walang grocery ay pera rin naman ang iniaabot ng mga coordinator.
Bukod sa Parola Compound, paborito ring pagkunan ng hakot na mga raliyista ang Isla Puting Bato, Smokey Mountain at Baseco Compound kung saan halos lahat ng residente ay walang maayos na trabaho.
Ipantatapat umano ng mga grupong maka-administrasyon ang mga nahakot na raliyista sa mga magkakasanib na puwersa ng oposisyon at mga militante upang palitawin na hati ang masa sa pagsuporta kay Pangulong Arroyo. (Ulat ni Danilo Garcia)