Putol na hita natagpuan sa QC

Tila jigsaw puzzle na binubuo ang isa pang katawan ng chop-chop victim matapos na matagpuan ang pinaniniwalaang hita nito kahapon ng umaga sa South Fairview, Quezon City.

Halos naaagnas na ang hita na nakalagay sa itim na garbage bag nang matagpuan dakong alas-8 ng umaga sa tapat ng bahay sa No.5 Bonjack St. South Fairview.

Sa isinasagawang follow up investigation ni Sr. Insp. Rey Medina ng QCPD-General Assignment Section, posible umanong bahagi ng isang kanang hita at braso ang nakuhang kaliwang hita.

Ayon kay Medina, isang Alvin Sajutal na tricycle driver ang nakakita sa putol na hita matapos na mapansin ang masangsang na amoy kung kaya’t agad itong humingi ng tulong sa pulisya.

Ipinaliwanag ni Medina na unti-unti nang nabubuo ang isa pang katawan ng biktima ng chop-chop matapos na sunud-sunod na matagpuan ang mga putul-putol na katawan nito.

Subalit hanggang sa ngayon ay blangko pa rin ang pulisya sa kung ano ang tunay na motibo ng karumal-dumal na pamamaslang. (Doris Franche)

Show comments