Kahapon ay nagharap-harap sa tanggapan ni Marikina City Mayor Ma. Lourdes Fernando ang mga hinakot na raliyista at ang organizer na si Nancy Balagasay at ipinangako ng huli na ibibigay ang kakulangan sa bayad ng mga ito.
Napag-alaman pa kay Balagasay na lumapit sa kanya ang isang nagngangalang Zaldy na umanoy tauhan ng isa sa lider ng oposisyon na si dating Marikina City Congressman Romeo Candazo noong Hunyo 30 at sinabing maghakot siya ng tao upang sumama sa gagawing malaking anti-GMA rally sa Makati noong Hulyo 1.
Subalit matapos ang rali ay hindi naibigay ni Balagasay ang pangakong tig-P250 bayad sa mga sumama sa rali, kundi tig-P30 lamang ang naibigay sa mga ito.
Dahil dito, napilitan ang mga nagoyo na lumapit sa media.
Nilinaw naman ni Balagasay na siya rin mismo ay biktima ng tauhan ni Candazo dahil sa siya ang naipit sa hindi nito pagbabayad sa mga hinakot. Nilinaw din nito na P100 ang usapan at hindi P250.
Inamin din ni Balagasay na hindi ito ang unang rali na kanyang inorganisa, oposisyon man o administrasyon. (Ulat ni Edwin Balasa)