Ayon kay CPD-District Intelligence and Investigation Division (DIID) chief, Supt. James Brillantes, ang pipeline bomb ay inilagay sa tubo ng sasakyan upang malakas ang maging pagsabog nito.
Hanggang ngayon ay inoobserbahan pa rin sa Capitol Medical Center ang mga biktimang sina Patrick Dy, ang kapatid nitong si Pamela-Dy Aguirre at ang kanilang ina na si Adelfa Dy, bunga ng tinamong mga pinsala at sunog sa katawan.
Patungong Cubao ang mag-iina ng maganap ang pagsabog. Sunog na sunog ang loob ng Nissan Patrol na may plakang XJY-625 na sinasakyan ng mag-iina.
Nabatid na sa ganito ring uri ng pagsabog namatay si Peter Dy ang ama ng magkapatid nang taniman ng bomba ang sinasakyan nitong Mitsubishi Pajero noong nakaraang taon sa Valenzuela City. Nananatiling hindi nalulutas ang kaso.
Naniniwala ang pulisya na iisang grupo ang responsable sa dalawang insidente subalit hindi pa rin matukoy.
Idinagdag pa ni Brillantes na bukod sa sinisilip nilang business rivalry na motibo sa krimen, pinagtutuunan din nila ng pansin ang anggulong alitan sa pamilya at kamag-anak ng mga biktima. (Ulat ni Doris Franche)