Ayon kay PNP Chief P/Director Arturo Lomibao, ito ang kanilang napag-alaman base sa intelligence report na nakalap ng pulisya.
Sinabi ni Lomibao na walang pinipiling lugar ang terorismo kayat hindi malayong samantalahin ng mga bandido ang paghalo sa mga raliyista upang manggulo.
Bukod sa Abu Sayyaf, sinabi ni Lomibao na maaari ring magsamantala ang mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) na posibleng humalo at manggulo habang isinasagawa ng mga anti-PGMA groups ang kanilang demonstrasyon.
Sa kabila nito, binigyang-diin ng PNP Chief na pinakilos na niya ang kapulisan upang paigtingin pa ang intelligence operations upang masawata ang mga teroristang Abu Sayyaf at NPA na posibleng manggulo sa mga rally.
Magugunita na kamakailan lamang ay nakiisa ang Abu Sayyaf at NPA rebels sa panawagang mag-resign na si Pangulong Arroyo bunga umano ng kontrobersiyal na "Hello Garci" tape o ang pandaraya sa eleksiyon noong 2004 sa pakikipagsabwatan ni Comelec Commissioner Virgilio Garcillano. (Ulat ni Joy Cantos)