Utol ng pinaslang na DFA official, inabsuwelto sa kaso

Inabsuwelto ng Department of Justice (DoJ) ang dalawang kapatid ni dating Foreign Affairs Assistant Secretary Alicia Ramos sa kasong pagpaslang sa DFA official, habang ang apat na iba pang suspects ay tuluyang ipinagharap ng kasong robbery with homicide.

Ayon kay State Prosecutor Emmanuel Velasco, mahirap paniwalaan ang alegasyon ng suspect na si Roberto Lumagui na nagsasangkot kay Esther Ramos Bailey, kapatid ng pinaslang na DFA official bilang utak sa krimen.

Sinabi pa ni Velasco na noon pang Disyembre 2004 ay pabalik-balik na sa pagamutan si Esther dahil sa sakit sa pag-iisip at nito na ngang taong 2005 ay tuluyan na itong na-confine sa St. Claire Hospital.

Nilinaw din ng DoJ na hindi naman naging respondent sa krimen ang isa pang kapatid ni Alicia na si Leticia.

Ipinatawag lamang anila ito upang matukoy ang katotohanan sa alegasyon ni Lumagui.

Sa halip, isinulong ng DoJ ang kasong robbery with homicide laban sa apat na suspects sa krimen na kinabibilangan nina Lumagui, Joel Ablay, Michael Cenil at isa pang nakalalayang suspect na si Jun Maricar.

Napatunayan na si Lumagui ang nagplano ng nasabing krimen matapos na madiskubre ng piskalya na may P100,000 na pagkakautang ito kay Alicia.

Walang inirekomendang piyansa sa pansamantalang paglaya ng mga salarin. (Ulat ni Grace Amargo dela Cruz)

Show comments