Iniharap kahapon sa tanggapan ni Pasay City Mayor Wenceslao "Peewee" Trinidad ang mag-asawang suspect na sina Erlinda, 48 at Augusto Calasicas, 47, tubong Lubao, Pampanga at huling nanirahan sa 1958 Maria Clara St., Sampaloc, Maynila.
Nabatid na ang mga suspect ang responsable sa panghoholdap at pagpaslang sa biktimang si Arlene Tumalad, graduating student noong Marso 15, 2003 na matapos nilang holdapin ay inihulog pa sa jeep sa kahabaan ng F.B. Harrison sa Pasay City.
Ang mag-asawa ay positibong kinilala ng testigong kaibigan ng biktima na si Cherry Ann Alon, 23.
Ang mag-asawa ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Francisco Mendiola, ng Pasay City Regional Trial Court, Branch 114 ng pinagsanib na puwersa ng WPD at Pasay City Police kamakalawa sa Maynila.
Sa rekord ng pulisya, ang mga suspect ay kapwa miyembro ng kilabot na "Tirtir Gang" at sangkot sa ilang serye ng panghoholdap sa ilang mga OFWs sa ilang lugar sa Metro Manila. (Ulat ni Lordeth Bonilla)