1 miyembro ng KFR, timbog
Isang notoryus na miyembro ng Laygo kidnap-for-ransom group ang nasakote ng mga elemento ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group sa operasyon sa isang fastfood chain sa Paranaque City. Kinilala ni PNP-CIDG director Chief Supt. Ricardo Dapat ang nahuling suspect na si Arman Moog, alyas Roman, 39, ng Brgy. Paiisa, Tiaong, Quezon. Nabatid na ang Laygo KFR group ay pinamumunuan ni Feliciano Laygo na may patong sa ulong P500,000 na sangkot sa insidente ng kidnapping sa Southern Tagalog Region. Ang Laygo KFR group ay kabilang sa talaan ng National Anti-Kidnapping Task Force sa mga pinaghahanap na mga most wanted kidnap gang sa bansa. Sinabi ni Dapat na si Moog ay nasakote ng mga operatiba ng PNP-CIDG sa may Roxas Boulevard sa Paranaque City sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Ma. Theresa Delatore-Yadao, Presiding Judge ng National Capital Judiciary Region Branch 81 sa Quezon City. Ang naturang grupo ay responsable sa pagdukot sa isang negosyanteng Fil-Chinese na si Channie Son noong Hulyo 1999 sa Commonwealth Avenue sa nabanggit na lungsod. (Ulat ni Joy Cantos)