Bomb scare sa paligid ng US Embassy, Museo Pambata

Binalot ng tensiyon ang paligid ng Museong Pambata at ng Embahada ng Estados Unidos sa Roxas Boulevard sa Ermita, Maynila kahapon ng umaga matapos na isang kahina-hinalang bag, na hinihinalang naglalaman ng pampasabog ang iwan ng isang babae malapit sa lugar at hindi na balikan pa.

Kaagad namang rumesponde ang mga kagawad ng Western Police District (WPD) Explosives Ordnance Disposal Section (EODS) sa lugar matapos na matanggap ang tawag dakong alas-7:45 ng umaga kahapon.

Batay sa ulat, isang kulay asul na travelling bag na yari sa leather ang iniwan sa ilalim ng kahoy na mesa ng tinderang si Mina Felix, 65 at residente ng Maria Quizon St. sa Gagalangin, Tondo, ng isang ’di kilalang babae.

Ang mesa ni Felix ay nakapuwesto malapit sa Embhada ng Estados Unidos gayundin sa Museong Pambata.

Kaagad namang iniulat ni Felix sa pulisya ang insidente kaya’t rumesponde ang mga kagawad ng WPD-EODS sa lugar.

Gayunman, nang busisiin ang bag ay natuklasang pawang mga lumang damit lang ang laman ng bag, na kaagad namang dinala sa tanggapan ng pulisya. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments