NBI pasok na rin sa kasong pagpaslang sa ex-congressman

Pumasok na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) sa kaso ng pamamaslang kay dating Masbate Congressman Fausto Seachon kung saan ay kasalukuyang nagsasagawa ng hiwalay na imbestigasyon ang ahensiya sa nasabing kaso.

Dahil dito, nagkakaroon ngayon ng iringan sa pagitan ng NBI at Task Force Seachon makaraang sabihin ni Supt. Napoleon Cuaton, hepe ng Detective and Investigation Division and Management Bureau at siya ring namumuno sa task force na nadismaya ang kanilang mga imbestigador dahil sa biglaan umano ang panghihimasok ng NBI sa kaso.

Ayon pa kay Cuaton na nasaktan ang task force dahil sa biglaang pag-eksena ng NBI na hindi man lang nakipag-ugnayan o nakipagkoordinasyon sa kanila.

Idinagdag pa ng opisyal na hindi sila kontra sa pagsasagawa ng hiwalay na imbestigasyon ng NBI, gayundin ng PNP-CIDG kundi gusto lamang nilang magkaroon ng maayos na koordinasyon para hindi magulo ang imbestigasyon.

Idinagdag pa nito na masusing hinihimay ngayon ng Task Force Seachon ang lahat ng hawak nilang leads sa kaso upang maaresto ang mga salarin at mabigyan ng hustisya ang pamamaslang sa dating mambabatas.

Magugunitang pinagbabaril at napatay ng tatlong pinaghihinalaang professional hired killers si Seachon habang naglalaro ng mahjong sa bahay nito sa Brgy. Talipapa sa nasabing lungsod dakong alas-10:30 ng gabi noong nakaraang Linggo. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments