Kasabay nito inilabas na ng pulisya ang cartographic sketch ng dalawa sa tatlong suspect na malapitang bumaril sa biktima habang naglalaro ng mahjong noong Linggo ng gabi sa Caloocan City.
Kasalukuyan na ring hinihimay ngayon ng nasabing task force ang mga hawak nilang leads para sa agarang ikalulutas ng kaso kung saan ay hawak na ng mga ito ang mga saksi na boluntaryo umanong nagtungo sa kanilang tanggapan.
Base sa artist sketch, isa sa mga gunman ay tinatayang nasa 32-40 anyos, may taas na 56 hanggang 57, banlag ang mata, maikli ang buhok at katamtaman ang pangangatawan.
Bagamat maraming anggulo ang tinutukan ng mga imbestigador, tiniyak ng mga awtoridad na pawang mga professional hired killers ang mga suspect dahil mabilis, tiyak at halos walang aberya o planado ang kanilang isinagawang pagpaslang kay Seachon.
Batay na rin sa inisyal na imbestigasyon ng Task Force Seachon, lumilitaw na ilang buwang isinailalim sa surveillance ng mga salarin ang mga galaw ni Seachon.
Malaki rin ang hinala ng mga awtoridad na isang prominenteng tao sa Masbate ang utak sa pagpatay kay Seachon.
Napag-alaman pa sa mga kapitbahay ni Seachon na sadyang mabait sa kanila ang nasawi at wala ring iniulat na nakaaway ang huli sa tinitirahan nito sa Caloocan City.
Kasalukuyan na ring inaalam ng Task Force Seachon kung sino ang dalawang police escort ni Seachon na naka-detail sa kanya na pawang nagmula sa Police Security Protection Office (PSPO) kung saan ay nakatakdang imbitahan ang mga ito upang makapagbigay ng kani-kanilang pahayag dahil nabatid ng mga imbestigador na absent ang mga ito nang maganap ang krimen.
Aalamin din ng mga imbestigador kung kabilang sa talaan ng mga most wanted criminals o nasa kanilang gallery ng mga hired killers ang inilabas na cartographical sketch ng mga suspect.(Ulat ni Rose Tamayo)