Imbestigasyon vs Ong, pinahihinto ng korte

Ipinahinto ng Manila Regional Trial Court (RTC) ang Department of Justice (DoJ) sa pagsasagawa ng imbestigasyon laban kay dating National Bureau of Investigation (NBI) Deputy Director Samuel Ong kaugnay sa kasong inciting to sedition.

Sa ipinalabas na dalawang-pahinang order ni Manila RTC Executive Judge Antonio Eugenio, kinatigan nito ang kahilingan ni Ong na magpalabas ng temporary restraining order (TRO) laban sa DoJ para pahintuin ang imbestigasyon hinggil sa naturang kaso.

Ang kasong inciting to sedition na isinampa laban kay Ong ay nakabimbin ngayon sa tanggapan ni State Prosecutor Emmanuel Velasco.

Si Ong ay nagsampa ng "urgent ex-parte motion with injunction" and TRO sa Manila Regional Trial Court dahil sa umano’y na-prejudged na si Ong ni Justice Secretary Raul Gonzalez sa ginawang pahayag nito, tulad ng pagsasalita nito na maaaring arestuhin ang sinumang may hawak ng CD tape ng pag-uusap nina Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Samantala, sinabi naman ni Gonzalez na maituturing na normal lamang sa korte na magpalabas ng tatlong araw na TRO.

Bunga ng nasabing TRO ng Manila RTC ay hindi naituloy kahapon ni Velasco ang unang preliminary investigation laban kay Ong.

Nag-ugat ang kaso makaraang lumutang si Ong dala ang umano’y mother of all tapes ng nasabing pag-uusap nina GMA at Comelec Commissioner Virgilio Garcillano, kung saan hinikayat nito ang mamamayan na mag-aklas laban sa gobyerno ng punong ehekutibo. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments