Preso kinuyog, napatay sa bugbog ng mga kakosa

Isang 43-anyos na preso ang napatay sa bugbog ng kanyang mga kasamahang bilanggo matapos na magwala kahapon ng madaling araw sa Quezon City.

Hindi na umabot nang buhay sa East Avenue Medical Center si Nicandro Reyes, dating naninirahan sa 65 Linaw St., Brgy. V. Luna ng nasabing lungsod. Nakapiit ito dahil sa kaso ng droga.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-2 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa loob mismo ng selda ng ‘Sigue-Sigue Sputnik’.

Napag-alaman na basta na lamang umano nagwala ang biktima hawak ang isang balisong at hinamon ng patayan ang mga kapwa inmate na sina Danilo Parugco at Danilo delos Santos.

Nasaksak ni Reyes ang kasamang mga preso dahilan upang kuyugin ito nang iba pang kakosa saka pinaggugulpi hanggang sa mapatay.

Patuloy namang iniimbestigahan ng Bureau of Jail Management and Penology ang naturang kaso upang alamin kung paano nakalusot ang balisong sa loob ng bilangguan. (Ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments