Namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si PO1 Febrico Dunuan, nakatalaga sa Northern Police District Office-District Mobile Force at nanunuluyan sa ikalawang palapag ng #1026 Road 1, Tambacan, Maypajo, Brgy. 136 ng nabanggit na lungsod sanhi ng tinamo nitong isang tama ng bala ng baril sa kanang sentido.
Batay sa nakalap na impormasyon ng pulisya, dakong ala-1:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa loob ng kuwartong tinutuluyan ng biktima sa naturang lugar.
Sa naging pahayag ng live-in partner ng biktima na si Lyn Avila, 27, bago ang insidente ay kinalas ng nasawi ang magazine ng kanyang service firearm at saka inilagay sa ilalim ng unan hanggang sa makatulog.
Ilang sandali ang lumipas ay naalimpungatan sila nang may marinig na kalabog sa palikuran ng kanilang tinutuluyang apartment.
Ayon pa kay Avila, maingat na kinuha ng nasawi ang baril sa ilalim ng kanyang unan at tinungo ang pinanggagalingan ng ingay hanggang sa umalingawngaw ang isang putok.
Nang tunguhin ni Avila ang kinakasama ay nakita niya itong duguan at nakahandusay sa pinto.
Lumalabas sa isinagawang ocular inspection narekober ng pulisya ang service firearm na Beretta-92FS ng nasawi na walang magazine at isang 9mm spent shell sa tabi ng bangkay nito.
Ayon pa sa pulisya, bagamat inalisan ng nasawi ng magazine ang kanyang baril ay nakaligtaan naman umano nito na may natitira pang isang bala sa chamber ng baril at posibleng naitutok nito sa kanyang ulo at kung saan ay aksidenteng nakalabit ang gatilyo.
Gayunman, isang masusing imbestigasyon pa rin ang isinasagawa ng mga awtoridad para alamin kung may naganap na foul play sa nasabing insidente. (Ulat ni Rose Tamayo)