Sinabi ni Philippine Tourism Authority (PTA) General Manager Robert Dean Barbers na nagpasaklolo na siya sa WPD dahil sa pagmamatigas ng ilang katao na manatili sa kanilang mga tindahan sa Luneta Boardwalk matapos na mag-utos na ang Manila Regional Trial Court na lisanin na nila ang naturang lugar.
Nabatid na nagkaroon ng tensiyon sa pagitan ng pulisya kasama ang mga tauhan ng PTA nitong nakaraang Lunes nang manlaban ang ilang miyembrong Luneta Boardwalk Tenant Association (LBTA) sa isinagawang demolisyon sa kanilang mga stalls.
Ayon kay Barbers, isang international consortium buhat sa China, Australia, Singapore at Malaysia ang nakatakdang magpatayo ng US$20 milyong tourist attraction sa Manila Ocean Park sa boardwalk kung saan inaasahang kikita ang pamahalaan ng P16.5 milyon kada taon.
Sa kabila na walang kontratang pinanghahawakan ang mga tenants, nagmatigas ang mga ito na lisanin ang boardwalk. Iniakyat ng mga ito ang kaso sa korte kung saan nakakuha sila ng temporary restraining order (TRO) ngunit pinawalang-bisa rin kasama ang isinumite nilang hiling para sa "mandatory injunction".
Pansamantalang itinigil naman ng PTA ang pagbabaklas sa mga establisimiyento sa boardwalk matapos na magsumite ng "motion for reconsideration" ang LBTA sa korte na inaasahang ibabasura rin ngayong linggo.
Nabatid pa na ang mga "propesyonal na squatter" na ang naturang mga tenants matapos na paupahan ng mga opisyales ng LBTA ang ilang bakanteng puwesto sa iba na wala sa kaalaman ng PTA. (Ulat ni Danilo Garcia)