"The PNP was placed on full alert effective today (Wednesday). We are prepared for these destabilizations," pahayag ni PNP spokesman Chief Supt. Leopoldo Bataoil.
Una nito, nagbanta ang grupo ni dating Defense Secretary Fortunato Abat, chairman ng Coalition for National Solidarity (CNS) na maglulunsad ng "Peoples March" sa darating na Hunyo 25 kung saan isa sa mga pangunahing agenda ay ang umanoy dapat na sagutin sa taumbayan na pandaraya nito sa 2004 elections na siyang nilalaman ng kontrobersiyal na "Gloriagate Tape.
Nabatid na ang mga supporters ng yumaong si Action King Fernando Poe Jr. ay magmamartsa patungong Liwasang Bonifacio sa Maynila sa Biyernes, Araw ng Maynila, na susundan naman ng Peoples march nina Abat kinabukasan.
Isisigaw ng grupo ang pagbibitiw sa puwesto o kaya naman ay pagbabakasyon muna ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo habang hindi pa tapos ang imbestigasyon sa Hello Garci tape scandal.
Samantala, bago ang planong kilos-protesta nina Abat ay isang Peoples Summit ang nakatakdang isagawa ng kanilang grupo ngayong araw.
Nitong Miyerkules ay personal na nagtungo sa Camp Crame ang mga supporter ni Abat sa pangunguna ng kanyang legal counsel na si Atty. Oliver Lozano upang hilingin ang garantiya ni PNP Chief Director General Arturo Lomibao na hindi bubuwagin ng pulisya ang "solidarity march" patungong Malacañang.
Tumanggi naman si Bataoil na tugunin ang iginigiit ng grupo ng CNS na isinasaad sa kanilang isinumiteng "Gentlemans Agreement" sa pagsasabing tungkulin ng pulisya na protektahan ang interes ng sambayanan. (Ulat ni Joy Cantos)